Isang Blog Laan Para sa Gilas Kong Mahal

Mahal kong Gilas,

Hindi ko alam kung mababasa ng isa man sa inyo ang blog kong ito. Hindi ko nga alam kung may makakabasa ba nito. Wala naman sa plano ko ang ishare ang link nito sa Twitter o Facebook sabay tag sa lahat ng myembro ng national team, o di kaya ni Coach Chot, o di kaya ng mga sikat na sports personalities. Wala, hahayaan ko lang ito na iindex ng Google at iba pang search engines tapos pag may nag key in ng keyword sa search bar at lumabas ito sa SERP edit samba ng blog ko – nasa top position sya. Impression pa lang yon, hindi pa kasama ang click. Hindi naman kasi maraming Pinoy ang may account dito sa WordPress; kung meron man, hindi ako sigurado kung interesado sila sa free blog ko. Pero sa paraang ito,nais kong maipahayag sa buong mundo ang personal kong karanasan na alam kong habang buhay ng nasa alaala ng bawat Pilipino.

Ako Bilang Isang Panatiko

Isa ako sa milyon-milyong tagahanga ng basketball. Ordinaryo. Hindi kilala. Walang pangalan. Babae man ang kasarian, hindi ito nagging hadlang upang kayo ay aking hangaan. Mabibilang lang yata ang mga laro ninyo na hindi ko napanood. Pero aaminin ko wala pa akong game na napanood ng live kahit sa PBA, NCAA, UAAP (pero nag-iipon na ako para makapunta ng Maynila at masaksihan ang kahit isang laro man lang ng live). Taga Iloilo kasi ako. Oo sa TV ko lang nakikita ang lahat; ‘pag d ko na aabutan ang oras ng laro, i-yuYoutube ko nalang.

Alam kong gasgas na ang linyang ito pero isasama ko pa rin na ako ay buong pusong sumusoporta sa Gilas at tuwang tuwa ako sa pagkapasok ng ating koponan sa pandaigdigang laban. Halos apat na dekada – ito daw ang hinintay ng buong bayan para nakapaglaro ulit sa FIBA World Cup. Hindi pa ako nabubuo. Halos mag sasampung taon pa lang ang Mama at Papa ko nung mga panahong ito. Hindi pa nga nila alam na sila pala ang magkakatuluyan. Pero bata man ang edad ko, kumpara sa ibang die-hard fans, hindi naman siguro ito batayan upang masabi kong mahal ko kayo.

Isang Pangarap na Makapuntang Espanya

Espanya – ang lugar kung saan gaganapin ang laban. Malayo. Mahal ang pamasahe. Malaking pera ang kakailanganin. Kung Maynila nga hindi ko kayang puntahan para makanood ng laban, Espanya pa kaya? Pero hindi ako sumuko. Halos lahat ng paraan sinubukan ko para magkaroon ng tsansang makapunta at masuportahan kayo ng malapitan.

Grabe, hindi ko inakalang mag-iinstall ako ng Money Ball app sa cellphone ko. Ewan, ayaw ko kasi sa larong ito. Mas gusto ko kasi ang half time analysis kumpara sa game-na-walang-premyo-dati. Pero nung malaman ko ang pagsali dito ay paraan para maka punta ng Espanya, dali dali akong nag install ng app. Para akong ewan na bawat half time game nag aabang – iniba ko na pati schedule ng pagsisimba ko tuwing Linggo para makasali lang ng Money Ball. Sayang din kasi ang puntos na makukuha. Pero wala kapos na kapos ang nakuha kong puntos para tanghaling “Best Player of the Conference” kahit pa isama ang puntos ko sa panonood ng Kwentong Gilas.

Sunod ko namang sinubukan ang “Milo Fly to Spain Promo”. Sabi ko sa sarili ko medyo swerte kasi ako sa raffle raffle na style. Minsan na akong nanalo sa ABS CBN summer raffle promo at Bombo Radyo na may cash at isang balde ng grocery. Hay grabe, nakailang hulog din ako ng entries na sobre pero hindi rin ako pinalad eh.

Sige last, nakakahiya mang aminin pero sinubukan ko din yung sa Max’s. Napurga din ako sa kakapapak ng manok para magkakaroon ng chance makapunta ng Espanya pero hindi pa rin umubra. Hanggang sa dumating na ang mismo araw ng laro. Sumuko na ako ng makapunta ng Espanya – pero hindi ako sumuko sa Gilas.

Hanggang sa dumating na ang unang araw ng laro…

September 1, 2014, 2 AM Philippine Time

Lunes. May pasok sa opisina ng alas otso. Hindi pwedeng malate kundi lagot pero mas hindi pwede hindi makapanood ng laban ng buong bayan. Nag pa alarm ako – dalawang cellphone. Para kun magloko ang isa, meron pang isa para tumunog. Hindi naman ako nabigo. Nagising ako ng quarter to 2.

Croatia ang unang kalaban. Grabe ang tatangkad. Ang liliksi. Ang babata at mga mukhang hindi basta basta. Pero kahit na sino siguro ang tatanugin ninyo, hahanga sa ipinamalas na ipinakita ng sarili nating manlalaro. Ang alam ko, ang deal ng nakararami, basta’t hindi tayo matambakan ng 30 solve na. Akalain mo, dikit ang laban – OVERTIME PA. Isang kasaysayan na habang buhay ng maisasalin salin sa bawat henerasyon ng mga mga Pinoy.

Hindi ko lubos maisip na aabot tayo sa ganoon klaseng kalidad ng laro. Grabe natulog ako na sobra laki ng ngiti. Kahit na kulang na kulang ang tulog ko, para okay lang – ang ganda kaya ng laban. Sabi ko nalng sa sarili ko, hindi naman araw araw kailangan kong magising ng alas dos ng medaling araw para suportahan ang Gilas at makisali sa Hashtag eh. Malay ko ba kung kalian naman ulit mangyayari ‘to.

September 1, 2014, 11:30 PM Philippine Time

Hikab. Hikab. Hikab. Hindi pa ako nakatulog ng nakaran eto naman at kailangan kong makapagbuno sa antok para suportahan ang gilas kong minamahal. Gresya pa ang kalaban. Hindi ba’t magaling sila basta sa palakasan? Nag laro ang gilas dikit ang laban. Tapos natambakan tayo pero nakabangon muli at dumikit ulit, pero natalo tayo. Natalo sa score. Natalo sa laro. Pero aminin natin ang pakiramdam na bigyan ng ganoong klaseng laban, parang panalo parin ang gilas. Isa na namang “sayang” ang namutawi sa loob ng bawat Pinoy.

Biro ko pa naman, dapat kabahan ang Greece sa atin kasi meron tayong Kraken. Pero hindi sya iunleash masyado eh, kaya siguro hindi kihabahan ng masyado ang mga Griyego. Eexplain ko pa ba kung ano ang koneksyon ng Greece sa Kraken at sa koponan ng Pilipinas? Ah, kung fan ka ni Junmar at ng Greek Mythology, macoconnect mo na eh.

Sa laban na ito, aking napagtanto na kaya pala ng team natin na makipagsabayan sa mga ganitong bansa. Tila natauhan ako na hindi pala pumunta ang Gilas ng Espanya para mag selfie lang doon gaya ng sinasabi ng mga haters. Pumunta sila doon para isampal sa buong mundo na “Hoy! Kaya namin kayo!”

Kontra Argentina

Argentina. Corned Beef. Masarap ulamin. Pero hindi eh, sila lang naman ang number 3 sa standing ng basketball. Binubuo ng mahuhusay na manlalaro ng NBA. Ha, NBA hindi kanto kantong basketball team. Pero ni sa panaginip mo ba, nasagi ng tatambakan sila ng Gilas sa 1st half ng larong? Grabe, naiyak ako, nung nag dunk si Gabe Norwood sa mukha ni Scola napahagulgol na ako. Parang dinaig ko pa ang asawa ni Norwood sa dami ng nasabi kong “I love Gabe!”. Paulit-ulit. Hindi ko mabilang. Wala lang. Kababawan man sa iba pero sa mga oras na yun tila mamamatay na ako sa saya.

Pero wala. Talo na naman. Naman. Ang sakit. Ang sakit sakit. Yung panalo na sana pero natalo pa. Isang malaking SAYANG. Nakacaps lock para intense. Pero masyado kong mahal ang gilas para manisi. Para magalit. Para magtampo.Bakit sino ba ako para murahin sila? Nakikipagbakbakan sila sa Espanya tapos ako, nakatihaya habang nanood sa TV may kasama pang electric fan sabay dukot sa Chicharon ni Mang Juan. Habang sila, hindi mapakali sa pag kakaupo sa bench nila, pawis, pagod at pressured.

Sabi ko na lang sa sarili ko, sige lang, may natitira pang tsansa. Hindi pa naman tapos talaga. Medyo lang. Kaya kapit lang. Dagdagan ng dasal. At lakihan ang tiwala.

Pinakamasakit na Heartbreak

This.is.it. Do or die game kontra Puerto Rico. Huling tsansa para makapasok sa round of 16 at hindi muna matapos ang napakagandang telenovela ng Gilas. Tumutok ako. Kahit naiihi ako hindi muna ako nagbanyo. Hirap nab aka makadunk si Gabe at ma miss ko. Pa tweet tweet lang ako sa umpisa. Laki kasi ng lamang ng Gilas eh. Parang confident ako na mananalo tayo. Pero habang papatapos ang laban, tila isa akong kandila na papaupos na.   S-A-Y-A-N-G. Panalo na naman. Ang kalaban. Parang ginilitan ang puso ko nung finocus si Ping at Junmar na naiiyak. Naiyak na din ako. Yun na yata ang pinakamasakit na araw sa buhay ng pagiging fan ko. Tila mas masakit pa sa pag paparebond ng kulot kong buhok. Mas masakit sa pag papapedicure at pagkuha ng ingrown sa hinlalaki ko sa paa. Basta, parang inihanda ko ang puso ko sa unang hearth break na mararasan ko, kasing sakit siguro na makita ang singko sa class card mo.

Umulan. Lumindol. Nagluksa ang Pilipinas. Wala na. Laglag na ang Gilas. Bigo tayong makapasok sa next round. Inoff ko na ang mobile data ko. Ayaw ko na kasing makita ang mga tweets. May laban pa sa Senegal sa susunod na araw. Pilit kong kinakapa sa kaibuturan ng aking puso ang pananabik ngunit wala akong mahanap. Panlulumo. Panghihinayang. Isang malalim na buntong hininga.

Ang Huling Laban

Senegal. Go home daw sabi nila. Nakaiinis ha. Gusto kong magwala, nainsulto ako, nagalit ako. Dito, dito ko nahanap ulit ang nag alalab kong pagnanasa na suporatahan ang huling laban ng Gilas. Dahil ng sabi ko sa sarili ko, kung nasaktan ako sa hindi pagkatalo ng PIlipinas, hindi ba’t tripleng sakit ang nararamdaman nila? Doble yung sakit ng nararamdaman ng mga mahal nila sa buhay. Ako, sino ako para magtampo? Wala. Wala akong ni kakarampot na karapatan wala ako.

Sige aaminin ko. Hindi ako nanood ng laban. Pakiramdam ko kasi, malas ako. Tila bawat palakpak ko sa Gilas, minamalas sila. Nakasubaybay lang ako sa Twitter. Nagtrending na si LA, nagtrending na rin si Paul Lee. Pati si Junmar tsaka si Fajardo, nagtrending na rin – ng magkaibang spot. Natawa akong bigla. Pinoy talaga oh.   Hindi ko pa rin natiis. Umuwi na ako tsaka nanood. Buti umabot ako. Ang inabutan ko? Overtime. Hindi na muna ako umaasa. Hindi rin ako ng cheer. Feeling ko talaga kasi isa akong malaking malas. Kitam. Nanalo tayo. Nakaisa din. Nakapuntos din. Umulan ng “Thank you, Jimmy” pati ako nakithank you na rin.

Masaya. Sobra. Kulang na kulang ang ibinlog kong ito para ilarawan ang kabuuan nang aking nagging karanasan sa pagiging isang tagahanga ng Gilas Pilipinas. Namaos din ako sa kakasigaw – pero hindi naman ako kasing sikat ni Magoo Marjon para mapansin ng buong bayan na paos din pala ako.

Walang kwenta ang blog kong ito kung ikukumpara sa kalidad ng isinulat ni Nikko Ramos o sa mga artikulo ni Carlo Pamintuan at mas lalong walang sa kalingkingan ito ng isusulat sa kasaysayan. Para kasing personal documentation ko lang ito ng kung ano man ang pansariling kong naranasan sa mga panahong nakatungtung ang Gilas kong Mahal sa World Cup.

Habang buhay ko na itong itatago. Ikukwento sa mga magiging anak ko, sa mga magiging apo ko. Sisiguraduhin kong malalaman nila kung gaano kagaling ang Gilas kong Mahal para makipagsabayan sa mga malalaking koponan at mga malalaking pangalan.

Hindi maipaliwag na ligaya ang naihatid nila sa akin – sa buong lahing Pinoy. Buong buhay kong ipagmamalaki ang Gilas PIlipinas. Buong buhay kong ipagmamalaki ng Pinoy ako. Taas noo kahit kanino.

Nagmamahal ng buong puso,
SheMaeGomez, Iloilo City, PH

Feature Image Credits: en.wikipedia.org

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s